--Ads--

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsira sa mahigit 2.4 milyong balota na naimprenta para sa naantalang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections upang matiyak ang integridad at seguridad ng proseso ng halalan.

Ayon sa Comelec, aabot sa 2,420,904 balota na kasalukuyang nakaimbak sa kanilang Biñan Warehouse ang kailangang wasakin upang maiwasan ang anumang posibilidad ng maling paggamit nito.

Sinabi ng komisyon na bahagi ito ng mga hakbang upang mapanatili ang kredibilidad ng halalan at matiyak na ang mga balotang inilaan para sa naunang iskedyul ng eleksyon ay hindi na magagamit sa anumang paraan.

Nakatakda sanang idaos ang unang regular na BARMM parliamentary elections noong Oktubre 13, 2025. Gayunman, ipinagpaliban ito at itinakda sa Setyembre 14, 2026.

--Ads--

Dahil sa pagbabago ng iskedyul, sinabi ng Comelec na kinakailangan ding mag-imprenta ng panibagong mga balota na maglalaman ng updated na listahan ng mga political party at kandidato na naghain ng kanilang Certificate of Candidacy mula Mayo 5 hanggang 7.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso ang Republic Act No. 12317 na nagtatakda ng bagong petsa para sa kauna-unahang regular na halalan sa BARMM.