--Ads--

Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) Cauayan City sa mga aspirant sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa tamang paggamit ng pinakabagong format ng Certificate of Candidacy (COC) bago ang filing period.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC-Cauayan, sinabi nitong mahalagang tiyakin ng mga aspirant na tama at kumpleto ang kanilang mga dokumento upang maiwasan ang problema sa paghahain ng kandidatura.

Ayon kay Atty. Vallejo, maaaring i-download ang apat na klase ng COC form sa pamamagitan ng QR code na inilalagay sa kanilang official Facebook page, habang mayroon ding libreng printed copies na maaaring makuha sa tanggapan ng COMELEC, kasama ang mga instruction sa wastong pagsagot sa mga ito.

Binigyang-diin niya na hindi dapat gumamit ng lumang bersyon ng COC form, dahil may mga idinagdag na provision sa updated forms, kabilang ang Sworn Declaration on Conflict of Interest na bahagi ng undertaking na kinakailangang pirmahan ng mga kandidato.

--Ads--

Kabilang sa kailangang ihanda ang notarized undertaking at mga kinakailangang kopya ng dokumento, kabilang ang kopyang may Documentary Stamp Tax (DST) at paglalagay ng kaukulang DST number sa mga natitirang kopya, alinsunod sa itinakdang proseso ng COMELEC.

Ipinaalala rin ng COMELEC ang kahalagahan ng personal na paghahain ng COC. Kung hindi ito posible, maaari itong ihain ng awtorisadong kinatawan alinsunod sa mga requirements at may kaukulang Special Power of Attorney (SPA).

Nakatakda ang paghahain ng Certificate of Candidacy para sa 2026 BSKE mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026.