--Ads--

Ikinatuwa ng mga residente ng Estados Unidos ang kasunduan ng US at Iran na naglalayong wakasan ang kanilang digmaan matapos maaprubahan ang peace framework na nilagdaan noong Linggo, Hunyo 14.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, umaasa ang mga Amerikano na tuluyang ititigil ng Iran ang pagharang sa Strait of Hormuz at muling bubuksan ang mahalagang rutang pandagat para sa kalakalan at suplay ng langis.

Una nang inihayag ni US President Donald Trump na ganap nang natapos ang kasunduan, kasunod ng pahayag ni Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif, na nagsilbing tagapamagitan at nagkumpirma ng pinal na agreement.

Ayon kay Sharif, lalagdaan ang kasunduan sa Switzerland sa Hunyo 19 at kabilang dito ang agarang pagtigil ng lahat ng operasyong militar, kabilang sa Lebanon.

--Ads--

Kasunod ng anunsyo, tumaas ang global stock markets habang bumaba ang presyo ng langis dahil sa inaasahang mas matatag na suplay at pagbaba ng tensyon.

Gayunman, nananatiling may pangamba ang mga residente ng Estados Unidos dahil sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah, at hindi pa rin tiyak ang kabuuang detalye ng kasunduan, lalo na sa usaping seguridad at nuclear program ng Iran.