--Ads--

Mariing pinabulaanan ng San Fermin Elementary School ang kumalat na balita na umano’y nagkaroon ng sapilitang paniningil ng tig-P1,000 sa mga magulang para sa pagbili ng air conditioning unit sa isang silid-aralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Emily Valdez, Master Teacher II ng San Fermin Elementary School, sinabi nito na agad nilang kinausap ang concerned teacher at nagsagawa ng beripikasyon matapos kumalat ang naturang isyu.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na walang naganap na pormal na koleksyon mula sa mga magulang at wala ring naging pinal na kasunduan kaugnay sa pagbili ng air conditioning unit.

Ayon kay Valdez, ang naturang usapin ay isa pa lamang panukala o proposal na inilatag sa mga magulang at kinakailangan pa itong dumaan sa konsultasyon at kaukulang pag-apruba bago maisakatuparan.

--Ads--

Hinimok din niya ang mga magulang na direktang dumulog sa pamunuan ng paaralan upang maiparating ang kanilang mga concern at agad itong mabigyan ng kaukulang aksyon at solusyon.

Pinatunayan naman nina Leah Ann Mina at Rosa Mae Abogado, mga president ng Homeroom Parent-Teacher Association o HRPTA, na sa mga magulang mismo nagmula ang mungkahing magkaroon ng air conditioning unit sa silid-aralan upang maging mas komportable ang pag-aaral ng mga bata.

Ayon sa kanila, isa lamang suhestiyon ang lumutang sa pagpupulong na kung maaprubahan ng lahat ng mga magulang ang plano, maaaring ang guro muna ang bumili ng aircon at saka na lamang ito hulugan ng mga magulang sa halagang P100 kada buwan sa loob ng sampung buwan.

Sinabi rin ng mga opisyal ng HRPTA na naging maayos ang naging talakayan at karamihan sa mga dumalong magulang ay nagpahayag ng pagsang-ayon sa naturang panukala.

Gayunman, nilinaw nila na proposal pa lamang ito at wala pang anumang koleksyon o implementasyong isinagawa.

Samantala, sinabi naman ni Ginang Gemma Bala, Information Officer ng Schools Division Office (SDO Cauayan), na nagsagawa rin sila ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng isyu.

Batay sa kanilang pagsusuri, wala silang nakitang anumang anomalya dahil ang usapin ay nasa antas pa lamang ng panukala at nagmula mismo sa mga magulang.

Gayunman, tiniyak niya na hindi nila palalampasin ang anumang reklamo o alegasyon ng hindi awtorisadong paniningil sa mga paaralan at agad silang magsasagawa ng kaukulang aksyon sakaling may mapatunayang paglabag.