--Ads--

Nagtagisan ang mahigit 400 taekwondo athletes mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela at mga karatig-lalawigan sa isang championship tournament na ginanap sa Santiago City, na nagbigay ng pagkakataon sa mga kalahok na maipamalas ang kanilang husay at disiplina sa nasabing martial art.

‎Ayon kay Ginoong Julius Bangilan, Head Instructor ng Santiago City ng Philippine Taekwondo Association, dumalo sa torneo ang mga atleta mula sa Nueva Vizcaya, Quirino, Cauayan City, Ilagan City, at iba pang bahagi ng Isabela. Aniya, umabot sa mahigit 400 ang kabuuang bilang ng mga kalahok na sumabak sa iba’t ibang kategorya ng kompetisyon.

‎Ipinaliwanag ni Bangilan na isinagawa ang paligsahan sa pamamagitan ng iba’t ibang age divisions upang matiyak ang patas na laban sa pagitan ng mga atleta. Kabilang sa mga kategoryang sinalihan ang Grade School, Junior, Senior, at Adult divisions.

‎Ibinahagi rin ni Bangilan na naging maayos ang kabuuang takbo ng torneo at walang naitalang seryosong pinsala o anumang insidenteng nagdulot ng panganib sa mga kalahok. Aniya, bunga ito ng maayos na paghahanda ng mga organizer at mahigpit na pagpapatupad ng mga safety protocols sa buong kompetisyon.


‎Samantala, nagpasalamat si Bangilan sa mga coach, referees, volunteers, at mga magulang na naging katuwang sa matagumpay na pagsasagawa ng torneo. Umaasa rin aniya ang mga organizer na mas marami pang atleta mula sa iba’t ibang lugar ang lalahok sa mga susunod na kompetisyon upang higit pang mapaunlad ang taekwondo sa Cagayan Valley.

‎Ang nasabing championship ay isa sa mga hakbang upang patuloy na mahikayat ang kabataan na makilahok sa sports at magkaroon ng positibong aktibidad na makatutulong sa kanilang personal na pag-unlad at paghubog ng kanilang talento.