Inirereklamo ng mga residente sa West Tabacal Region, partikular sa Barangay Culalabat, ang patuloy na paglabas ng kulay-brown na tubig tuwing umaga na nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Ayon sa mga residente, nagdudulot ito ng abala, lalo na sa paghahanda ng mga mag-aaral bago pumasok sa paaralan at ng mga manggagawa bago pumasok sa trabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager ng Cauayan Water District, ipinaliwanag nitong ang mataas na mineral content sa naturang lugar ang pangunahing dahilan ng pagkulay-brown ng tubig.
Ayon pa kay Engr. Supnet, kinakailangan ang angkop na filtration system upang matugunan ang problema sa kalidad ng tubig sa buong West Tabacal.
Kinumpirma rin niya na naisagawa na ang bidding para sa naturang proyekto at inaasahang mai-install ang bagong filtration system sa huling linggo ng Oktubre ngayong taon.
Habang hinihintay ang paglalagay ng filtration system, pinayuhan ng pamunuan ng Water District ang mga residente na mag-imbak ng tubig sa gabi upang mayroon silang magagamit kinabukasan.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkaantala sa paghahanda ng mga mag-aaral at manggagawa bago pumasok sa paaralan at trabaho.











