--Ads--

Lumakas pa ang Bagyong Francisco habang papalapit sa kalupaan ng bansa.

Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA ang sentro ng bagyo ay nasa layong 715 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 140 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 170 kilometro bawat oras. kumikilos pakanlurang-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras.

Samantala, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes at sa hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang mga bayan ng Gonzaga at Santa Ana, gayundin sa silangang bahagi ng Babuyan Islands tulad ng Babuyan Island, Didicas Island, at Camiguin Island. Inaasahan sa mga lugar na ito ang hanging may bilis na 39 hanggang 61 kilometro bawat oras sa loob ng susunod na 36 oras, na maaaring magdulot ng minimal hanggang bahagyang pinsala sa buhay at ari-arian.

--Ads--

Bukod sa epekto ng bagyo, patuloy ding pinalalakas ng Southwest Monsoon o Habagat ang pag-ulan at malalakas na pagbugso ng hangin sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ngayong araw, makararanas ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin ang La Union, Pangasinan, CALABARZON, Romblon, Masbate, malaking bahagi ng Visayas, Zamboanga Peninsula, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Camiguin, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Davao Occidental, at Davao Oriental.

Sa kaniyang forcast track Inaasahang mananatili ang Bagyong FRANCISCO sa karagatan ng Philippine Sea . Gayunman, hindi isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad na mas lumapit ito sa pinakahilagang bahagi ng Luzon kung magkakaroon ng paglihis pakanluran ang tatahakin nitong landas.

Patuloy na kikilos ang bagyo pakanlurang-hilagang-kanluran hanggang bukas, Hunyo 23. Pagkatapos nito, inaasahang babagal ang pagkilos nito bago muling lumihis ng direksyon at tuluyang lumabas sa Philippine Area of Responsibility o PAR pagsapit ng Biyernes, Hunyo 26.

Lalo pang lalakas ang Bagyong FRANCISCO at maaaring maabot nito ang pinakamataas na lakas nito bukas. Matapos nito, inaasahan namang unti-unti itong hihina habang nagpapatuloy sa paggalaw nito sa karagatan.