Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na paghandaan ang posibleng pinakamalalang epekto ng El Niño na inaasahang mararanasan mula Oktubre hanggang Marso.
Sa isinagawang pulong sa Malacañang, inilahad ng mga kinatawan ng DA, DENR, DOH, DOST, PAGASA at OCD ang kani-kanilang mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakatuon ang paghahanda sa seguridad sa tubig at pagkain, agrikultura, suplay ng enerhiya at kalusugan ng publiko.
Sinabi naman ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na isa sa mga pinag-aaralan ang pagpapatupad ng water conservation measures sa mga tanggapan ng gobyerno.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang mga ahensya na magsagawa ng regular na koordinasyon upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga kinakailangang programa at proyekto, kabilang ang mga may kaugnayan sa suplay ng tubig.
Kasabay nito, pinaigting din ng pamahalaan ang information campaign upang maihanda ang publiko sa posibleng epekto ng El Niño at maiwasan ang pangamba ng mamamayan.










