--Ads--

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang tatlong Chinese national na iniuugnay sa pagkakasamsam ng tinatayang P82.7 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa isang drive-in hotel sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jerry Castillo, hepe ng Cauayan City Police Station, kabilang sa kakasuhan ang umano’y tenant ng limang drive-in rooms, caretaker at isa pang Chinese national na iniuugnay sa operasyon ng naturang hotel. Gayunman, nilinaw niyang sumasailalim pa sa beripikasyon ang tunay na pagkakakilanlan ng mga ito sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration upang matiyak ang kanilang pagkatao at travel history.

Sinabi ni Castillo na nagsimula ang operasyon sa pamamagitan ng isang intelligence report na isinailalim sa validation at confirmation bago nakipag-coordinate ang pulisya sa Bureau of Internal Revenue (BIR), na siyang naglabas ng mission order para salakayin ang hotel na matatagpuan malapit sa Cauayan City Airport.

Sa pagsisilbi ng mission order, nadiskubre ng mga awtoridad na limang drive-in rooms ang nirentahan ng mga suspek at ginawang imbakan ng mga karton ng smuggled cigarettes na umaabot sa tinatayang P82.7 milyon ang halaga.

--Ads--

Ayon pa kay Castillo, isinagawa ang operasyon sa tulong ng Regional Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Maritime Unit, Bureau of Fire Protection at ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City.

Bukod sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, haharap din ang mga suspek sa kasong tax evasion sa ilalim ng Republic Act No. 8424 na ihahain ng BIR, habang magsasampa naman ang Cauayan City Police Station ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law.

Batay sa intelligence report, matagal na umanong ginagamit ang lugar bilang distribution point ng smuggled cigarettes sa Isabela. Ayon kay Castillo, mga pribadong sasakyan mula sa iba’t ibang bayan ang karaniwang pumupunta sa hotel upang kumuha ng mga sigarilyo para kumuha ng suplay.

Nabatid din na may mga Pilipinong empleyado umano ang grupo, ngunit caretaker lamang ang nadatnan ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon. Sisilipin din ng pulisya ang CCTV footage ng hotel upang matukoy ang iba pang personalidad na maaaring sangkot at posibleng magsilbing mga testigo sa isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay Castillo, malaking dagok ang pagkakasamsam ng naturang kontrabando sa mga nasa likod ng iligal na negosyo at malaking tulong din ito sa pamahalaan dahil napipigilan ang pagkawala ng milyun-milyong pisong dapat ay nakokolektang buwis. Dagdag pa niya, hindi rin dumaan sa tamang pagsusuri ng Department of Health ang mga smuggled cigarettes kaya posibleng magdulot ng mas malaking panganib sa kalusugan ng mga gumagamit nito.