Nasunog ang isang puting Ford Ranger Raptor sa Prenza Highway, Barangay San Fermin, Cauayan City, nitong umaga ng Oktubre 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Reagan Bernardo, Chief of Operations ng BFP Cauayan, sinabi niyang inihinto umano ng driver ang sasakyan matapos makaamoy ng hindi pangkaraniwang amoy habang binabagtas ang kalsada.
Nang makahinto sa gilid ng National Highway, may tumagas umano mula sa isang bahagi ng sasakyan bago biglang sumiklab ang apoy.
Sinubukan namang kapanayamin ng Bombo Radyo News Team ang driver, ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag dahil hindi umano nito nauunawaan ang wikang ginagamit sa lungsod. Ayon sa driver, Chinese national umano ito.
Patuloy namang inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog at ang lawak ng pinsala sa sasakyan.











