Nakatakdang repasuhin ng komite ng Senado na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo ang pagpapatupad ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, kasunod ng sunod-sunod na malulubhang krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad sa bansa.
Ayon kay Tulfo, may mga “malalaking pagkukulang” sa pagpapatupad ng batas na maaaring naging dahilan upang hindi makamit ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen ang hustisya at mahikayat pa ang ilang kabataan na gumawa ng paglabag sa batas.
Sinabi ng senador na matagal na niyang nasaksihan ang epekto ng naturang batas, maging bago pa man siya pumasok sa serbisyo publiko.
Ayon pa sa kanya, malawakang konsultasyon ang isasagawa ng komite upang makuha ang pananaw ng mga eksperto sa batas, mga law enforcement agencies, social welfare groups, simbahan, medical professionals, at mga magulang.
Mas pinaigting ang panawagan para sa pagsusuri ng batas matapos ang ilang insidente ng karahasan ngayong buwan. Kabilang dito ang pamamaril sa Tacloban City na isinagawa umano ng dalawang menor de edad na estudyante at ikinasawi ng tatlong katao. Naiulat din ang magkakahiwalay na pananaksak na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa Negros Occidental at Cavite.
Binigyang-diin ni Tulfo ang kakulangan ng mga Bahay Pag-asa, mga pasilidad na inilaan para sa rehabilitasyon ng mga batang lumalabag sa batas. Aniya, isa ito sa mga pangunahing problemang nakita niya noong siya ay kalihim pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isasagawang imbestigasyon, susuriin ng Senado ang kakulangan ng mga gumaganang Bahay Pag-asa, ang pagiging epektibo ng mga intervention program para sa Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR), gayundin ang pananagutan ng mga magulang sa mga pagkakasala ng kanilang mga anak.
Kasama rin sa titingnan ng komite ang kasalukuyang edad ng criminal liability o pananagutang kriminal sa ilalim ng batas.
Nilinaw naman ng senador na hindi layunin ng komite na alisin ang proteksiyon para sa mga menor de edad, kundi tiyaking may balanse sa pagitan ng pagkamit ng hustisya para sa mga biktima at ng tunay na rehabilitasyon para sa mga kabataang nalalagay sa alanganin sa batas.











