--Ads--

Isang 10-buwang gulang na kuting mula sa Michigan, USA ang opisyal nang nakapagtala sa Guinness World Records matapos mapatunayang mayroon itong 28 daliri sa paa.

Ang kuting na si Toby ay nakatabla sa rekord na naunang itinakda ng pusang si Jake mula Canada noong 2002 para sa pinakamaraming daliri sa paa ng isang pusa.

Karaniwang may 18 daliri lamang ang mga pusa, ngunit si Toby ay ipinanganak na may kondisyon na tinatawag na polydactyl, kung saan nagkakaroon ng sobrang mga daliri.

Ayon sa may-ari nitong si Delaney Henderson, labis siyang namangha nang unang makita ang mga paa ni Toby dahil hindi niya inaasahang magkakaroon ito ng ganoong karaming daliri.

--Ads--

Sa kabila ng kakaibang katangian nito, sinabi ng pamilya na malusog si Toby at walang nararanasang problema sa paggalaw. Bukod sa mas madalas na paggupit ng mga kuko nito, isa lamang umano itong normal at masiglang alagang pusa.

Dahil sa natatanging katangian nito, opisyal nang nakapasok si Toby sa Guinness World Records bilang isa sa mga pusang may pinakamaraming daliri sa paa sa buong mundo.