Kinilala ng Guinness World Records ang isang 4 feet at 5 inches na babaeng bumbero mula Florida, United States bilang pinakamaliit na babae sa naturang propesyon.
Limang taon nang nagsisilbi bilang firefighter si Kelso sa St. Pete Beach, Florida matapos niyang gugulin ang kanyang 20’s sa corporate world.
Ayon kay Kelso, biro lamang noon sa kanilang firehouse ang posibilidad na mapasok niya ang Guinness World Records hanggang sa isa sa kanyang mga kasamahan ang nagsaliksik at natuklasang maaari pala siyang maging record holder.
Sa kabila ng kanyang tangkad, sinabi ni Kelso na hindi ito naging hadlang sa kanyang trabaho, kabilang ang pagpasok sa mga nasusunog na gusali, pagbubuhat ng mabibigat na kagamitan at pagharap sa iba pang mapanganib na sitwasyon.
Aniya, nakatutulong pa nga minsan ang kanyang maliit na pangangatawan sa ilang gawain, gaya ng paggapang sa maliliit na bintana at pagpasok sa masisikip na bahagi ng mga gusali.
Hinimok naman ni Kelso ang iba na huwag hayaang maging hadlang ang kanilang tangkad o pisikal na katangian sa pagsubok sa larangan ng public service.
Samantala, hawak naman ni Vince Brasco ang record bilang pinakamaliit na lalaking bumbero sa taas na 4 feet at 2 inches.











