Inaasahang mapapanatili ng Pilipinas ang posisyon nito bilang ikalawang pinakamalaking pineapple exporter sa mundo hanggang 2035, ayon sa magkasanib na ulat ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) at Food and Agriculture Organization (FAO).
Tinataya ng ulat na aabot sa 23 porsiyento ng kabuuang produksyon ng pinya sa bansa ang mailuluwas pagsapit ng 2035. Nangunguna pa rin ang Costa Rica bilang pinakamalaking pineapple exporter sa mundo.
Ayon sa OECD at FAO, patuloy na lalakas ang pandaigdigang kalakalan ng pinya sa susunod na dekada, habang mananatiling pangunahing mga importer ang China, Estados Unidos, at European Union.
Inaasahang mananatiling pinakamalaking merkado ng Philippine pineapples ang China, kung saan tinatayang tataas ng 5.9 porsiyento kada taon ang import demand nito at aabot sa 300,000 metriko tonelada pagsapit ng 2035. Karamihan sa mga ito ay magmumula sa Pilipinas, partikular ang premium MD2 variety na itinatanim sa Mindanao.
Nauna nang iniulat ng FAO na lumago ng 14 porsiyento ang pineapple exports ng Pilipinas noong 2025 sa 775,028 metriko tonelada, mula 682,383 metriko tonelada noong 2024, bunsod ng matatag na demand mula sa China.
Samantala, umaasa rin ang Pilipinas na mapalawak ang access nito sa merkado ng Estados Unidos. Kapag naaprubahan ang kahilingan na payagan ang pagpasok ng sariwang pinya sa lahat ng US ports, inaasahang tataas sa 19,200 metriko tonelada kada taon ang export volume ng bansa sa naturang merkado.





