Magkasamang bumisita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney sa isang kilalang Filipino fast food restaurant sa Vancouver, Canada, na kinikilala bilang kauna-unahang matagumpay na Filipino fast food franchise sa British Columbia.
Nakipagkita rin ang dalawang lider sa mga Pilipinong empleyado at miyembro ng Filipino community na naroon sa naturang establisimyento.
Gayunman, habang isinasagawa ang pagbisita, nagtipon sa labas ng restaurant ang ilang demonstrador upang ipanawagan ang pananagutan kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon sa Pilipinas. Narinig ang kanilang mga sigaw pagdating pa lamang ng pangulo at nagpatuloy ang kanilang protesta hanggang sa pag-alis nito sa lugar.
Sa kabila ng kilos-protesta, naging maayos ang seguridad at naituloy nina Pangulong Marcos at PM Carney ang kanilang pagbisita bilang bahagi ng official visit ng pangulo sa Canada.
Nauna rito, naging matagumpay ang bilateral meeting ng dalawang lider kung saan opisyal na itinaas ng Pilipinas at Canada ang kanilang relasyon sa antas ng strategic partnership.
Nasaksihan din nina Marcos at Carney ang paglagda sa ilang kasunduan at deklarasyon ng kooperasyon na inaasahang magpapalawak ng pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng energy, likas na yaman, turismo, kultura, paggawa, at migration.











