Nag-uumapaw ang pagmamalaki ng Filipino community sa London matapos ang makasaysayang kampanya ni Alex Eala sa Wimbledon 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Girlie Donito, Bombo International News Correspondent sa London, United Kingdom, sinabi nitong labis ang tuwa at paghanga ng mga Pilipino roon sa ipinamalas na husay ni Eala, lalo na matapos nitong talunin sa ikalawang round ang defending champion na si Iga Świątek bago tuluyang yumuko sa ikatlong round ng kompetisyon.
Ayon kay Atty. Donito, itinuturing ng Filipino community na isang makasaysayang tagumpay ang naabot ni Eala dahil kauna-unahan itong Pilipinong nakarating sa ganitong yugto ng Wimbledon, na kinikilalang isa sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong tennis tournaments sa buong mundo.
Aniya, bagama’t maraming Pilipino ang nais sanang manood nang personal, hindi ito nagawa ng karamihan dahil sa napakamahal ng tiket at sa limitadong booking na karaniwang nauubos dalawang taon bago pa man magsimula ang torneo. Dahil dito, sa pamamagitan na lamang ng live streaming at social media nila sinubaybayan ang bawat laban ng Filipina tennis star.
Sinabi rin ni Atty. Donito na mas lalo pang humanga ang Filipino community kay Eala dahil sa kanyang pagiging mapagkumbaba sa kabila ng sunod-sunod na tagumpay sa international tennis.
Dagdag pa niya, malaking inspirasyon ang ipinakita ni Eala dahil hindi biro ang pag-abot sa Wimbledon, na nangangailangan ng matinding pagsasanay, sapat na pondo at mahabang paghahanda upang makasabay sa pinakamahusay na mga manlalaro sa buong mundo. Aniya, isa rin sa mga dahilan kung bakit espesyal ang torneo ay dahil maging mga miyembro ng British Royal Family ay karaniwang dumadalo upang panoorin ang mga laban.
Samantala, nakatakda namang muling sumabak si Eala sa susunod niyang laban ngayong Lunes kontra sa pambato ng Italya, kung saan umaasa ang Filipino community sa London na maipagpapatuloy nito ang kanyang kahanga-hangang kampanya.
Ayon kay Atty. Donito, lalo silang naging kumpiyansa matapos marinig ang naging pahayag ni Eala sa panayam na mas lalo siyang ginaganahang maglaro sa tuwing nararamdaman niya ang suporta ng mga Pilipino.
Sa huli, nanawagan si Atty. Donito sa publiko na patuloy na suportahan si Alex Eala at iba pang atletang Pilipino na nagbibigay ng karangalan sa bansa sa pandaigdigang entablado.










