Isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang pagbuo ng isang institutionalized Provincial El Niño Drought and Water Preparedness and Response System kasunod ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam at banta ng matinding epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Sa naging pahayag ni Board Member Jonathan Jose Calderon ng 5th District sa isinagawang mobile session ng Pamahalaang Panlalawigan sa bayan ng Roxas, sinabi nitong nakababahala na ang kasalukuyang sitwasyon dahil sa patuloy na pagbaba ng suplay ng tubig bunsod ng kakulangan ng ulan sa watershed.
Ayon kay Board Member Calderon, batay sa ulat ng NIA-MARIIS, nasa 28 porsiyento ng service area nito ang may mataas na posibilidad na hindi mapatubigan kung magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig.
Aniya, aabot sa 25 vulnerable rice areas o mahigit 17,000 ektarya ng sakahan ang posibleng maapektuhan, na kinabibilangan ng 87 irrigators’ associations at humigit-kumulang 13,000 farmer-beneficiaries.
Kabilang sa mga itinuturing na high-risk areas ang mga bayan ng Burgos, Ramon, Angadanan, Gamu, Cabatuan, Alicia, Luna, Reina Mercedes, Naguilian, San Mateo, at ilang bahagi ng Cauayan City.
Dahil dito, sinabi ni Calderon na hindi na dapat hintayin pang lumala ang sitwasyon bago kumilos ang pamahalaan.
Binigyang-diin niyang hindi kayang kontrolin ng tao ang panahon, subalit kaya ng pamahalaan na maghanda, magbigay ng maagap na babala, maglatag ng malinaw na koordinasyon, at tiyaking hindi mapapabayaan ang mga magsasaka sa oras ng krisis.
Iginiit din niya ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng NIA-MARIIS, PAGASA, Department of Agriculture, Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), water districts, electric cooperatives, mga lokal na pamahalaan, kooperatiba at mga barangay upang maging maagap ang pagtugon sa banta ng matinding tagtuyot.
Bagama’t kinakailangan pa itong dumaan sa masusing konsultasyon at deliberasyon, malinaw aniyang ipinakikita ng kasalukuyang sitwasyon na hindi na maaaring umasa lamang sa emergency response at kinakailangan nang magkaroon ng pangmatagalang sistema sa paghahanda laban sa El Niño at kakulangan sa suplay ng tubig.









