Kinilala sina Jericho Rosales at Maris Racal bilang pinakamahuhusay na artista sa ika-9 na Entertainment Editors’ Choice Awards (The Eddys) na ginanap noong Linggo ng gabi, Hulyo 5, sa Pasay City.
Sa ginanap na awards night kinilala si Jericho bilang Best Actor para sa pelikulang “Quezon,” habang si Maris naman ang Best Actress para sa pelikulang “Sunshine.”
Sa kanyang acceptance speech, emosyonal si Jericho habang binanggit ang kanyang ina na may Alzheimer’s, pati na ang kanyang pamilya at girlfriend na si Janine Gutierrez.
Samantala, si Maris naman ay nagbigay ng mensahe ng pag-asa sa mga dumaraan sa mabibigat na pagsubok sa buhay, at hinikayat ang lahat na bumangon at huwag mawalan ng tiwala sa sarili.
Matatandaang nasangkot ang aktres sa kontrobersiya noong 2024 kaugnay ng nakaraang relationship nito sa aktor na si Anthony Jennings.
Kinilala rin ang pelikulang “Quezon” bilang Best Picture, habang si Jerrold Tarog ang tinanghal na Best Director.
Ang The Eddys, na inorganisa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), ay taunang parangal na kumikilala sa natatanging kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino.








