Usap-usapan ngayon sa social media si actress-singer Maris Racal matapos siyang mamataang kasama ang isang non-showbiz foreigner, na agad nagbunsod ng espekulasyon na maaaring may bago na siyang karelasyon.
Kumalat sa X ang mga larawan ng aktres noong Hulyo 11 kung saan makikitang magkasama sila ng naturang lalaki sa isang waiting lounge at sa loob ng isang pampublikong sasakyan. Sa mga larawan, kapansin-pansin ang magaan na pakikipag-usap ni Racal sa lalaki habang may dala naman itong mga bagahe.
Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng pahayag si Racal tungkol sa pagkakakilanlan ng lalaki at hindi rin niya kinukumpirma ang mga lumalabas na usap-usapan tungkol sa kanilang umano’y relasyon.
Dumating ang mga espekulasyong ito ilang araw matapos sabihin ni Racal na masaya siya para sa dating kasintahang si Rico Blanco matapos itong manalo bilang Best Supporting Actor sa 9th Eddys Awards. Matatandaang kinumpirma ng dating magkasintahan ang kanilang paghihiwalay noong Hulyo 2024 matapos ang mahigit tatlong taong relasyon.











