--Ads--

Naka-heightened alert na ang Operations Center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang 44 member agencies nito bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Bavi na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa PAR ang bagyo ngayong Martes ng gabi o madaling-araw ng Miyerkules at tatawaging “Inday” sa oras na makapasok ito sa bansa.

Ayon kay Office of the Civil Defense Deputy Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, sinabi nitong mahigpit na nilang mino-monitor ang bagyo mula pa noong nakaraang weekend at inatasan na ang lahat ng miyembrong ahensya na magsagawa ng kinakailangang paghahanda.

Batay sa tala ng PAGASA alas-3 ng madaling-araw ng Martes, huling namataan ang bagyo sa layong 2,010 kilometro silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 240 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

--Ads--

Binabantayan din ng mga awtoridad ang pinalakas na habagat na inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, lalo na sa Palawan.

Samantala, inilagay na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mataas na antas ng kahandaan ang mga disaster response unit nito bago ang inaasahang pagpasok ng bagyo sa PAR.

Ayon sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information, and Communication (DROMIC), may nakahandang 4.775 milyong family food packs na nagkakahalaga ng mahigit P3 bilyon, 364,283 ready-to-eat food boxes, at 271,446 non-food items na nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa agarang pamamahagi sa mga maaapektuhan ng kalamidad.

Ang paghahandang ito ay alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking nakahanda at nakaposisyon na ang mga relief goods at iba pang ayuda bago pa man tumama ang anumang kalamidad.