--Ads--

Nakatanggap ng batikos mula sa House prosecution panel ang maikling pahayag ni Vice President Sara Duterte pagdating nito sa Senado nitong Martes, matapos niyang hindi dumalo sa ikalawang araw ng kanyang impeachment trial.

Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng prosecution panel, nakadidismaya umanong hindi muling sinagot ng bise presidente ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya sa halip na magbigay lamang ng maikling mensahe sa media.

Sinabi ni Adiong na inaasahan nilang gagamitin ni Duterte ang pagkakataon upang tahasang pabulaanan ang mga paratang kaugnay ng paggamit ng confidential funds at iba pang isyung kabilang sa impeachment complaint.

Pagdating sa Senado, tumanggi si Duterte na sagutin ang mga tanong ng media at sinabi lamang na, “In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”

--Ads--

Samantala, sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, isa sa mga counsel ng prosecution panel, na hindi angkop ang naging pahayag ng bise presidente bagama’t maaari umanong iyon ang kanyang nararamdaman sa kasalukuyan.

Nagbabala rin si Kapunan laban sa pagkalat ng maling impormasyon kaugnay ng mosyon para sa pagpapalabas ng subpoena laban kay Duterte. Aniya, hindi ibinasura ng impeachment court ang kanilang kahilingan kundi itinuring lamang itong premature o hindi pa napapanahon.

Dagdag pa niya, may karapatan si Duterte na huwag dumalo sa pagdinig, ngunit maaari pa ring ikonsidera ng prosecution panel ang muling paghahain ng kahilingan para sa subpoena sa mga susunod na araw.

Nagaganap ang mga pahayag habang nagpapatuloy ang ikalawang araw ng impeachment trial ni Duterte sa Senado.