Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 na nakaposisyon na ang kanilang mga relief supplies at nakahanda ang kanilang mga tauhan sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday sa Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nitong patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na paghahanda bago tuluyang maramdaman ang epekto ng bagyo.
Ayon kay Alan, nakapag-preposition na sila ng sapat na family food packs at iba pang relief goods sa kanilang mga bodega sa Tuguegarao, Batanes at Nueva Vizcaya. Dagdag pa niya, nadagdagan na rin ang mga nakahandang suplay sa mga munisipalidad ng Sabtang at Itbayat sa Batanes, gayundin sa mga coastal areas ng Isabela tulad ng Palanan, Maconacon at Dinapigue upang matiyak ang agarang pagtugon sakaling ma-isolate ang mga lugar na ito.
Sinabi rin ng opisyal na maayos ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan at may direktang komunikasyon sila sa bawat munisipyo upang agad na matukoy ang pangangailangan ng mga residente kung magkakaroon ng emergency.
Samantala, hinikayat ng Regional Director ang publiko na maging handa at agad makipag-ugnayan sa kanilang barangay at lokal na pamahalaan kung mangangailangan ng tulong, lalo na’t inaasahang lalakas pa ang Super Typhoon Inday sa mga susunod na oras.









