--Ads--

Umabot sa mahigit P2.5 bilyon ang nawalang kita ng pamahalaan matapos suspendihin sa loob ng tatlong buwan ang pangongolekta ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene bilang tugon sa mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Department of Finance (DOF), resulta ito ng pagpapatupad ng Executive Order No. 114 na nagpatigil sa koleksyon ng excise tax sa naturang mga produktong petrolyo simula Abril. Gayunman, sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na maaari muling irekomenda ng ahensya ang pagbabawas o pagsuspinde ng buwis kung muling lalampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil.

Matatandaang inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ibinalik na ang excise tax sa LPG at kerosene matapos bumaba sa $79.45 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil noong Hunyo, batay sa sertipikasyon ng Department of Energy.

Bago ang suspensyon, nakatakda ang excise tax sa P3 kada kilo ng LPG at P5 kada litro ng kerosene sa ilalim ng TRAIN Law. Ayon sa pamahalaan, awtomatikong naibalik ang mga rate ng buwis alinsunod sa mga probisyon ng Executive Order No. 114.

--Ads--