Handang tumestigo si dating NBI Director Jaime Santiago sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit wala pang natatanggap na subpoena mula sa Senado.
Kaugnay ito ng imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang ilang aspeto ng imbestigasyon ng NBI sa pamamagitan ng pagtatanong kay Senior NBI Agent John Mark Calilung, ang lead investigator sa kaso.
Samantala, tumanggi si Santiago na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa imbestigasyon na isinagawa ng NBI noong 2024 at 2025 kaugnay ng mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024.
Ang naturang pahayag ang naging batayan ng Article IV ng impeachment complaint na kasalukuyang dinidinig ng Senado. Isa rin sa mga isyung tinalakay sa pagdinig ang kawalan ng affidavit mula sa mga umano’y target ng pagbabanta, na ayon kay Calilung ay hindi naging hadlang dahil isinagawa ng NBI ang imbestigasyon sa sarili nitong inisyatiba o motu proprio.











