--Ads--

Lima ang nasawi, dalawa ang nasugatan, at anim pa ang nawawala matapos ang pagguho ng lupa sa Barangay Ngingir, bayan ng Calanogas, Lanao del Sur madaling-araw ng Biyernes.

Batay sa paunang imbestigasyon, gumuho ang malaking bahagi ng lupa bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan, na tumabon sa ilang residente sa lugar nang mangyari ang insidente.

Agad na nagsagawa ng search, rescue, at retrieval operations ang Calanogas Municipal Police Station katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay, at mga volunteer rescuer.

Sa pinakahuling ulat, kumpirmado ang limang nasawi habang dalawa ang nasugatan. Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang anim na nawawala na kinilalang sina Mujahid Abdulmajid, Mobairah Abdulrashid, Norhasan Abdulrashid, Lilikan Arab, Norlin Ali, at Norhanima Ali.

--Ads--

Nagpapatuloy ang operasyon sa kabila ng masamang panahon upang mahanap ang mga nawawala at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa apektadong lugar.