Patay ang hindi bababa sa 28 katao matapos masunog ang isang pabrika ng sapatos sa lungsod ng Jinjiang, Fujian Province sa China.
Ayon sa mga awtoridad, sumiklab ang sunog bandang tanghali sa limang palapag na gusali ng Huiteng Shoe Factory habang may 237 manggagawa at dalawang bisita sa loob ng establisimyento. Umabot sa 213 katao ang nailigtas, subalit dalawa ang nasawi sa ospital habang 26 na una nang naiulat na nawawala ang kalaunang natagpuang patay.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na nagsimula ang apoy sa unang palapag at mabilis na kumalat dahil sa mga flamable materials at pandikit na ginagamit sa paggawa ng sapatos. Nahirapan din ang mga rescuer dahil sa makapal na usok at mga materyales na humarang sa ilang hagdanan ng gusali.
Makikita sa mga kuha ng video ang makapal na itim na usok na bumalot sa gusali habang may ilang manggagawang naipit at nagtungo sa bubong upang makaligtas. Mahigit 500 personnel ang lumahok sa rescue operation at naapula ang sunog makalipas ang ilang oras.
Iniutos ni Chinese President Xi Jinping ang masusing imbestigasyon sa insidente at pananagutin ang mga may responsibilidad sa trahedya. Inaresto na rin ng mga awtoridad ang may-ari at ilang opisyal ng kumpanya habang pansamantalang ipinatigil ang operasyon nito.
Ang Jinjiang ay kilala bilang isa sa pinakamalaking sentro ng paggawa ng sapatos sa China, at ang insidente ay muling nagbunsod ng pangamba hinggil sa kaligtasan ng mga manggagawa sa manufacturing sector sa bansa.











