--Ads--

Umakyat na sa 18 ang bilang ng mga nasawi habang 12 naman ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng pinalakas na habagat at Bagyong Inday (international name: Bavi), ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sa pinakahuling tala ng OCD, mahigit 123,000 pamilya o nasa 562,000 indibidwal na ang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.

Kabilang sa mga naitalang nasawi ang sampung katao sa Malapatan, Sarangani; anim sa Calanogas, Lanao del Sur; at dalawa sa Bukidnon. Ayon sa ahensya, karamihan sa mga biktima ay nasawi dahil sa pagkalunod at landslide.

Samantala, umakyat sa 12 ang bilang ng mga nawawala kung saan pito ang mula sa Jose Abad Santos, Davao Occidental at lima sa Calanogas, Lanao del Sur. Naitala rin ang pitong kataong nasugatan habang patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang mga ulat.

--Ads--

Nasa 4,200 pamilya o mahigit 16,000 indibidwal naman ang pansamantalang nanunuluyan sa 116 evacuation centers habang nagpapatuloy ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad.

Ayon sa OCD, umabot na sa P28.57 milyon ang naipamahaging ayuda kabilang ang food packs at iba pang relief items para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Patuloy namang nakaalerto ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang ahensya para sa search and rescue, relief at clearing operations sa mga apektadong lugar.

Dahil dito, muling nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag lalo na sa mga lugar na madaling bahain at maapektuhan ng landslide dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.