Umakyat na sa 29 ang kabuuang bilang ng mga nasawi habang mahigit 6.5 milyong indibidwal ang naapektuhan ng mga bagyong Luis at Maymay at ng habagat, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes.
Batay sa datos ng OCD na inilabas kaninang umaga, pinakamataas ang naitalang bilang ng mga nasawi sa Benguet na may 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa bayan ng Atok.
Naitala rin ang tig-apat na nasawi sa mga lalawigan ng Rizal at Batangas, dalawa sa Caloocan City, at tig-iisa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ang pagguho ng lupa at bato, pagbagsak ng puno, pagkalunod, malakas na agos ng tubig, pagkakuryente at mga aksidente sa kalsada.
Samantala, 19 na indibidwal ang naiulat na nasugatan habang tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap matapos maiulat na nawawala.
Ayon pa sa OCD, umabot na sa 6,516,451 katao o katumbas ng 1,815,389 pamilya ang naapektuhan sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at MIMAROPA.
Sa naturang bilang, 47,277 katao o 13,957 pamilya ang nananatiling pansamantalang nanunuluyan sa 628 evacuation centers.
Nasa 2,108 kabahayan naman ang napinsala, kung saan 1,882 ang bahagyang nasira at 226 ang tuluyang nawasak.
Tinatayang pumalo na sa P4.665 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang nasa P1.424 bilyon naman ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng beripikasyon at assessment ang mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang kabuuang epekto ng magkakasunod na sama ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.










