--Ads--

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pinakamataas na sulfur dioxide emission ng Bulkang Mayon sa nakalipas na 16 na taon sa kabila ng pagbaba ng pagdaloy ng lava mula sa bulkan.

Sa inilabas na advisory ng Phivolcs, umabot sa 7,475 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission ng Mayon noong Hulyo 10, mas mataas kumpara sa 4,569 tonelada kada araw na naitala noong Hulyo 9.

Ayon sa ahensya, ang kasalukuyang antas ng sulfur dioxide emission ay mahigit tatlong beses na mas mataas kaysa sa average na 2,300 tonelada kada araw na naitala mula nang magsimula ang kasalukuyang pag-aalburuto ng bulkan noong Enero 6, 2026.

Nanatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang may umiiral na matinding pag-aalburuto o aktibidad ng magma at nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava.

--Ads--

Batay sa pinakahuling 24-hour monitoring bulletin ng Phivolcs, patuloy ang pagdaloy ng lava sa iba’t ibang bahagi ng bulkan kung saan umabot ito sa 3.8 kilometro sa Basud Gully, 3.2 kilometro sa Bonga Gully at 2.1 kilometro sa Mi-isi Gully mula sa bunganga ng bulkan.

Nakapagtala rin ang ahensya ng 10 volcanic earthquakes, 241 rockfall events at anim na pyroclastic density current signals sa loob ng nakalipas na 24 oras.

Nakita rin ang mahinang pagliwanag ng bunganga ng bulkan sa gabi habang nanatiling natatakpan ng ulap ang volcanic plume.

Ayon pa sa Phivolcs, nagpapakita ang ground deformation data ng panandaliang pag-urong ng estruktura ng bulkan at paglawak sa hilagang-silangang bahagi nito, indikasyon ng patuloy na paggalaw ng magma sa ilalim ng Mayon.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na huwag pumasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng lava flow, pagbuga ng lava, pagguho ng bato, pyroclastic density currents, ballistic fragments at posibleng biglaang pagsabog.