Pinayuhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office PDRRMO-Isabela ang publiko na iwasang magpatayo ng bahay o gusali malapit sa mga aktibong fault line upang mabawasan ang panganib sakaling magkaroon ng malakas na lindol sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante “Watu” Foronda, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, sinabi nito na mahalagang alamin muna ng mga residente kung may aktibong fault line sa lugar bago magpatayo ng anumang istruktura.
Ayon sa kanya, maaaring gamitin ang FaultFinder application ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) upang matukoy ang lokasyon ng mga fault line sa Isabela.
Ipinaliwanag ni Atty. Foronda na bagama’t hindi direktang dumaraan sa karamihan ng mga kabayanan ang mga fault line, mas mainam pa ring kumonsulta sa mga local DRRM office, municipal o city engineer at sundin ang National Building Code upang matiyak na matibay at ligtas ang mga itatayong gusali.
Dagdag pa niya na hindi matitiyak kung kailan, saan at gaano kalakas ang susunod na lindol kaya mahalagang maging handa ang bawat pamilya. Kabilang aniya sa dapat gawin ang regular na pagsasanay sa duck, cover and hold, paghahanda ng go-bag, pag-alam sa mga evacuation area at pagtiyak na ligtas ang loob ng tahanan laban sa mga bagay na maaaring bumagsak kapag may pagyanig.
Aniya, aktibo ang ilang fault line sa bansa kaya posible pa rin ang malalakas na lindol sa hinaharap, dahilan upang patuloy nilang hikayatin ang publiko na maging alerto at handa sa anumang sakuna.
Samantala, naging matagumpay ang isinagawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa Kapitolyo ng Isabela, alas-9:00 ng umaga, ngayong araw ng Huwebes.
Ayon kay Atty. Foronda, maayos na nasunod ng mga empleyado ang mga itinakdang pamamaraan sa paglikas at wala silang nakitang malaking pagkukulang sa isinagawang drill.
Dagdag pa niya na nakatulong din ang paggamit ng hard hats bilang karagdagang proteksyon laban sa mga posibleng bumabagsak na debris tuwing may lindol.











