Nanawagan ang ilang senador na patuloy na ipagtanggol ng Pilipinas ang 2016 Arbitral Award kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyong nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, nananatiling mahalagang sandigan ng Pilipinas ang arbitral ruling lalo na sa gitna ng patuloy na paggiit ng China sa mga inaangkin nitong teritoryo sa rehiyon.
Tinukoy ni Hontiveros ang mga ulat na may ilang Chinese academics na nag-aangking bahagi ng China ang Batanes, na aniya’y patunay na nagpapatuloy ang pagpapalaganap ng maling impormasyon tungkol sa teritoryo ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang arbitral ruling hindi lamang bilang makasaysayang tagumpay ng bansa kundi bilang panangga laban sa mga maling pahayag at disinformation na may layuning baluktutin ang katotohanan.
Samantala, sinabi naman ni Senador Bam Aquino na nananatiling matatag ang paninindigan ng bansa sa pagtatanggol sa soberanya, mga karapatan, at pambansang interes nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay Aquino, ang arbitral ruling na inilabas ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 ay bunga ng paggamit ng diplomasya at internasyonal na batas sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Dagdag pa niya, hindi lamang usapin ng teritoryo ang West Philippine Sea kundi nakasalalay rin dito ang kabuhayan ng mga mangingisda, seguridad sa karagatan, at kinabukasan ng bansa.
Samantala, hinikayat ni Senador Francis Pangilinan ang mga Pilipino na ipakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga komunidad sa Kalayaan Island Group at sa mga mangingisdang patuloy na naghahanapbuhay sa kabila ng banta mula sa presensya ng mga barko ng China.
Ibinahagi rin ni Pangilinan ang kanyang pagbisita sa Pag-asa Island noong Mayo kung saan nakausap niya ang mga residente at mangingisdang nagsabing patuloy silang nakararanas ng pangamba tuwing pumapalaot dahil sa presensya ng Chinese maritime militia.
Ayon sa senador, ang tagumpay ng Pilipinas sa The Hague ay dapat samahan ng tuloy-tuloy na pagkilos upang maprotektahan ang kabuhayan at seguridad ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Noong Hulyo 12, 2016, naglabas ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague ng desisyong nagsasabing walang legal na batayan ang malawak na nine-dash line claim ng China sa South China Sea, kabilang ang mga lugar na sakop ng West Philippine Sea.











