--Ads--

Arestado ang Isang High-Value Individual (HVI) ng mga awtoridad matapos ang ikinasang Anti illegal drug buy-bust operation sa Barangay Divisoria, Santiago City.

‎Kinilala ang suspek na si alyas “Del,” 44-anyos, may asawa, isang helper, at residente ng Purok Parparya, Barangay Mabini, Santiago City. Ayon sa pulisya, kabilang umano siya sa listahan ng mga High-Value Individual na sangkot sa ilegal na droga.

‎Isinagawa ang operasyon ng Philippine National Police Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 2 (PNPDEG-SOU2) at Station Drug Enforcement Unit ng Police Station 4 ng Santiago City Police Office, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2.

‎Nakumpiska umano mula sa suspek ang humigit-kumulang 12 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na nasa ₱81,600, bukod pa sa buy-bust money, isang cellular phone, wallet, at motorsiklong ginamit umano sa transaksyon.

--Ads--

‎Ayon sa ulat ng pulisya, ang mga nakumpiskang ebidensya ay minarkahan, inimbentaryo, at kinunan ng litrato sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga kinatawan ng National Prosecution Service at isang opisyal ng barangay.

‎‎Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.