Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos umanong maaktuhang sangkot sa pagbebenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Purok Nieto 1, Barangay Batal, Santiago City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Nong,” residente ng Barangay Callao East ng nasabing lungsod.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Police Station 4 bilang lead unit, katuwang ang City Intelligence Unit, Santiago City Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang medium-sized transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.5 gramo at standard drug price na P3,162. Narekober din ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill, P2,000 boodle money at cellular phone.
Ayon sa pulisya, isinailalim sa inventory at dokumentasyon ang mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi, kabilang ang kinatawan ng National Prosecution Service sa Santiago City at opisyal ng Barangay Batal.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











