Arestado ang isang 54-anyos na lalaki na itinuturing na High-Value Individual (HVI) sa kampanya kontra ilegal na droga matapos umanong maaktuhang gumagamit ng hinihinalang shabu sa isang bahay sa San Lorenzo Subdivision, Barangay Marabulig 1, Cauayan City nitong Miyerkules ng hapon, Setyembre 2.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Nelson,” binata, casual employee sa City Hall ng Ilagan City at residente ng Barangay Salandingan, Ilagan City.
Sa ulat ng Cauayan City Component Police Station (CCPS), dakong alas-3:10 ng hapon nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y paggamit ng ilegal na droga sa naturang lugar.
Agad namang nagsagawa ng beripikasyon ang mga operatiba ng CCPS at naaktuhan umano ang suspek na gumagamit ng hinihinalang shabu sa loob ng isang silid ng bahay.
Nasamsam sa operasyon ang hinihinalang ilegal na droga na may kabuuang timbang na 1.2 gramo at tinatayang Standard Drug Price na ₱7,300. Kabilang dito ang isang medium-sized transparent plastic sachet at isang maliit na nakatiklop na aluminum foil na kapwa naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu.
Nakarekober din ang mga pulis ng iba’t ibang drug paraphernalia at iba pang kagamitan na pinaniniwalaang ginagamit sa pag-abuso sa ilegal na droga.
Agad na minarkahan at kinuhanan ng larawan ang mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, kabilang ang kinatawan ng Department of Justice at isang barangay kagawad ng Barangay Marabulig 1.
Dinala naman sa himpilan ng Cauayan CCPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Inihahanda na rin ng pulisya ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.











