Lumobo na sa mahigit 31,000 ektarya ng palayan at maisan sa Isabela ang napinsala ng matinding tagtuyot at patuloy pa itong nadaragdagan, ayon sa pamahalaang panlalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niyang magpapatawag siya ng pulong kasama ang mga alkalde sa lalawigan upang matukoy ang mga magsasakang naapektuhan ng El Niño. Isasagawa ito sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office at Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng pamamahagi ng tulong.
Ayon pa sa gobernador, magsasagawa rin ng inspection at verification upang matukoy ang lawak ng pinsala sa pananim ng bawat magsasaka at malaman kung sinu-sino ang kwalipikadong makatanggap ng ayuda.
Gayunman, sinabi ni Gov. Albano na sinusuri pa kung may sapat na pondong maaaring magmula sa Department of Agriculture, DSWD, at sa pamahalaang panlalawigan para sa mga apektadong magsasaka.
Mayroon ding inaasahang cloud seeding operation ngunit kinakailangan munang suriin ang kondisyon ng mga ulap upang matiyak na magiging epektibo ang naturang hakbang.
Sa kabila nito, tiniyak ng gobernador na gagawin ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng makakaya upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga naapektuhang magsasaka.
Binalaan naman ni Gov. Albano na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng palay at mais sa bansa ang lawak ng pinsala dulot ng tagtuyot, lalo’t kabilang ang Isabela sa pinakamalalaking prodyuser ng mga naturang produkto sa Pilipinas.











