Ipinahayag ng isang threat actor na nagpapakilalang si “Klammer” mula sa grupong DeathNote Hackers (DNH) na siya ang nasa likod ng umano’y data breach sa National Telecommunications Commission (NTC), ayon sa cybersecurity group na Deep Web Konek.
Ayon sa ulat, ibinida ng hacker sa isang online forum na nakakuha ito ng tinatayang 126 gigabytes ng data o katumbas ng mahigit 200,000 files mula sa sistema ng ahensya noong Hulyo 13.
Kabilang umano sa mga nakompromisong impormasyon ang mga business permits at licenses, identification cards, purchase orders, at iba pang sensitibong dokumento ng mga indibidwal at organisasyong may transaksyon sa NTC.
Naglalaman umano ang ilan sa mga nakuhang files ng Personally Identifiable Information (PII), na maaaring magamit sa identity theft, fraud, at iba pang uri ng cybercrime kapag napunta sa maling kamay.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang NTC hinggil sa naturang alegasyon at kung nakumpirma na ang lawak ng umano’y paglabag sa kanilang database.
Patuloy namang binabantayan ng mga cybersecurity experts ang sitwasyon habang hinihintay ang resulta ng posibleng imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya.











