Nagsagawa ng Mass Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) demonstration ang Lokal na Pamahalaan ng Luna, Isabela sa Luna National High School ngayong Hulyo 15, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month at National CPR Day.
Umabot sa 3,790 ang bilang ng mga kalahok sa aktibidad, ang pinakamataas na naitala sa buong Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jenelyn Castillo, Municipal Administrator ng LGU Luna, sinabi nitong layunin ng aktibidad na mabigyan ng tamang kaalaman ang mas maraming residente, estudyante, guro, barangay officials at empleyado ng pamahalaan sa wastong pagsasagawa ng CPR upang maging handa sa oras ng emerhensiya.
Ayon kay Atty. Castillo, naging maayos ang isinagawang mass demonstration batay sa naging ebalwasyon ng mga validator mula sa Isabela Provincial Health Office, Department of Health Region 2 at GFND Hospital. Aniya, ang mga kalahok ay nagmula sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng Luna.
Dagdag pa niya, unang pagkakataon pa lamang na nagsagawa ang LGU Luna ng ganitong uri ng aktibidad at ikinatuwa nilang naitala ang pinakamataas na bilang ng mga kalahok sa Region 2. Gayunman, sinabi niyang mas malaki ngayon ang kanilang responsibilidad na matiyak na magagamit ng mga kalahok ang kanilang natutunan sa tamang paraan kung kinakailangan.
Binigyang-diin ni Atty. Castillo na magpapatuloy ang mga kahalintulad na programa ng lokal na pamahalaan upang mas marami pang mamamayan ang matutong magsagawa ng CPR at makatulong sa pagliligtas ng buhay sa panahon ng sakuna at iba pang emergency.











