Kinilala ang Cauayan City District Jail sa iba’t ibang parangal sa Regional Quarterly’s Bests at Gawad Penolohiya Regional Awards matapos mapanatili ang maayos na operasyon, seguridad, at paghahatid ng serbisyo sa loob ng kanilang pasilidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Chief Inspector Susan Encarnacion, Acting District Jail Warden ng BJMP Cauayan, ibinahagi nito na ang pagkamit ng mga pagkilala ay bunga ng pagkakaisa, buong suporta, at kooperasyon ng mga personnel ng Cauayan City District Jail, katuwang ang lokal na pamahalaan.
Ayon kay Encarnacion, patuloy nilang pinagbubuti ang kanilang mga serbisyo at ipinagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang para sa seguridad at kaayusan ng pasilidad.
Binigyang-diin din niya na nananatiling zero escape at zero disturbance ang Cauayan City District Jail, kung saan walang naitalang pagtakas ng persons deprived of liberty (PDLs) at walang naganap na insidente ng kaguluhan sa loob ng kanilang kustodiya.
Samantala, kabilang sa mga natanggap na pagkilala ng Cauayan City District Jail sa Regional Quarterly’s Bests para sa ikalawang quarter ng Calendar Year 2026 ang Best District Jail, 3rd Best Performing District Jail Warden, 3rd Best TC Implementer District Jail, at 3rd Best District Food Unit.
Kinilala rin ang distrito sa ilalim ng Gawad Penolohiya Regional Awards bilang Best Welfare and Development Unit – Type B at Best MSEC – Type B, bukod pa sa pagkilala sa ilang personnel dahil sa kanilang natatanging pagganap sa serbisyo.
Sinabi ni Encarnacion na magsisilbing hamon ang mga natamong parangal upang lalo pang mapahusay ang kanilang mga programa at mapanatili ang kalidad ng serbisyong ipinagkakaloob ng Cauayan City District Jail.











