--Ads--

Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na presyo ng kuryente sa mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong Hunyo, ayon sa Department of Energy (DOE), bunsod ng kakulangan sa suplay ng kuryente at mataas na demand sa Visayas.

Sa media briefing, sinabi ni DOE Undersecretary Rowena Cristina Guevara na umabot sa P12.43 kada kilowatt-hour (kWh) ang average na presyo ng kuryente sa bansa noong Hunyo, mas mataas kumpara sa Singapore na dating may pinakamataas na rate sa rehiyon.

Ayon kay Guevara, malaking dahilan ng pagtaas ng singil ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas kung saan ilang beses na isinailalim sa yellow at red alerts ang power grid dahil sa mataas na demand at sapilitang paghinto ng operasyon ng ilang planta.

Pinakamataas ang naitalang residential power rate sa Southern Leyte Electric Cooperative na umabot sa P16.57 kada kWh, habang nasa P14.48 kada kWh naman ang singil ng Manila Electric Company (Meralco) noong Hunyo.

--Ads--

Nagbabala rin ang DOE na maaari pang tumaas ang susunod na singil sa kuryente dahil sa pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng panibagong tensyon sa Gitnang Silangan. Gayunman, tiniyak ng ahensya na nakikipag-ugnayan ito sa Energy Regulatory Commission upang matiyak na makatarungan ang mga presyo ng kuryente.