Pinabulaanan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang akusasyon ng China na inaabuso ng Pilipinas ang pagiging chair nito sa ASEAN defense meetings upang hadlangan ang paglahok ng Beijing.
Ayon kay Teodoro, sariling posisyon lamang ng China ang naturang alegasyon at hindi ito kumakatawan sa pananaw ng mga miyembro ng ASEAN.
Nauna nang inakusahan ni Chinese Defense Ministry spokesperson Zhang Xiaogang ang Pilipinas ng paglabag sa consensus-based principles ng ASEAN at paglalagay ng mga hadlang sa partisipasyon ng China sa 13th ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus.
Iginiit naman ni Teodoro na nabigyan ng pagkakataon ang kinatawan ng China na ihayag ang posisyon nito hinggil sa regional at maritime security issues, ngunit nakabatay pa rin sa mga patakaran ng ASEAN ang paraan ng kanilang pakikilahok.










