Bibigyan ng full military honors ang nasawing si Corporal Drexler Gumayat ng Philippine Army habang patuloy namang tinutugis ng mga tropa ng 5th Infantry Division ang siyam na natitirang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) kasunod ng serye ng engkuwentro sa Abra.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Ed Rarugal, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi nitong naihatid na sa kanilang tahanan sa Calanan, Kalinga ang labi ni Corporal Gumayat, habang wala pang itinakdang petsa para sa kanyang libing.
Ayon kay Army Maj. Rarugal, pagkakalooban ng full military honors ang nasawing sundalo bilang pagkilala sa kanyang sakripisyo sa pagtatanggol sa bansa at sa kaligtasan ng mga mamamayan, hindi lamang sa Abra kundi sa buong Pilipinas.
Samantala, nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng militar laban sa siyam na natitirang miyembro ng ICRC na patuloy na pinaghahanap matapos ang magkakasunod na engkuwentro sa lalawigan.
Sinabi ng opisyal na umaasa silang mapapagod at mahihikayat ang mga natitirang rebelde na sumuko sa halip na magpatuloy sa armadong pakikibaka.
Aniya, wala na ring malinaw na liderato ang ICRC at wala na umanong kinabukasan ang kanilang armadong kilusan.
Sa kabila ng kanilang pagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang kasamahan, tiniyak ng 5th Infantry Division na ipagpapatuloy nila ang operasyon hanggang tuluyang mabuwag ang ICRC na patuloy umanong nagbabanta sa seguridad ng mga mamamayan.
Muli rin silang nanawagan sa mga natitirang miyembro ng New People’s Army na isuko na ang kanilang mga armas at samantalahin ang mga programang nakahanda ng pamahalaan para sa kanilang mapayapang pagbabalik-loob sa lipunan.











