Inatasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko na higpitan ang pagbabantay sa mga account na may kaugnayan sa casino junket operators dahil sa mataas na panganib ng money laundering sa sektor.
Sa memorandum na inilabas noong Hulyo 21, sinabi ni BSP Deputy Governor Lyn Javier na kailangang palakasin ng mga financial institution ang kanilang anti-money laundering at counter-terrorism financing measures.
Batay sa pagsusuri ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), nananatiling bulnerable ang sektor sa iligal na daloy ng pera dahil sa malalaking cash transactions, cross-border fund transfers at paggamit ng mga shell company upang maitago ang tunay na pagkakakilanlan ng mga sangkot.
Dahil dito, inatasan ang mga bangko na magsagawa ng mas mahigpit na due diligence, masusing transaction monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang paggamit ng sistema sa money laundering.










