--Ads--

Umabot sa rekord na ₱37.64 trilyon ang kabuuang resources ng financial system ng Pilipinas noong Mayo, mas mataas ng halos isang porsiyento kumpara sa ₱37.31 trilyon noong Abril, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Pinangunahan ng banking sector ang paglago matapos umakyat sa ₱31.29 trilyon ang kabuuang resources nito mula sa ₱30.96 trilyon noong nakaraang buwan.

Batay sa paunang datos ng BSP, humigit-kumulang 83 porsiyento ng kabuuang resources ng financial system ay mula sa mga bangko, kabilang ang universal, commercial, thrift, at digital banks.

Ayon kay RCBC Chief Economist Michael Ricafort, posibleng dulot ito ng pag-advance ng mga negosyo at mamimili sa kanilang mga pagbili gamit ang mga pautang upang makaiwas sa posibleng pagtaas ng presyo at gastos sa pangungutang.

--Ads--

Gayunman, sinabi niyang maaaring bumagal ang paglago sa mga susunod na buwan dahil sa mataas na interes, inflation, at epekto ng mga tensyon sa pandaigdigang ekonomiya.