Kinumpirma ng Philippine Army ang unang naiulat na kaswalti sa hanay ng mga rebeldeng komunista sa nagpapatuloy na operasyong militar sa bulubunduking bahagi ng Tineg, Abra matapos ang ilang araw na pursuit operations laban sa armadong grupo.
Ayon kay Major Ed Rarugal, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, pinaniniwalaang miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nasawing rebelde.
Sinabi ni Rarugal na narekober ang bangkay ng rebelde sa pinangyarihan ng engkwentro at dinala sa isang punerarya sa Abra. Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan nito.
Patuloy naman ang clearing operations ng militar sa hangganan ng Tineg at Lacub upang mapigilan ang muling pag-oorganisa ng Communist Terrorist Group (CTG) at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Nagsimula ang operasyon matapos makasagupa ng mga sundalo ang armadong grupo sa kabundukan ng Tineg, na nagresulta sa sunod-sunod na engkwentro habang tinutugis ang mga tumatakas na rebelde.
Matatandaang nasawi rin sa operasyon si Corporal Drexler Gumayat, isang sundalong iKalinga mula sa Barangay Bangad, Tinglayan, Kalinga at miyembro ng 50th Infantry Battalion. Napatay siya sa ikalawang engkwentro habang kalahok sa pagtugis sa armadong grupo.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng Philippine Army ang pagkakakilanlan ng nasawing rebelde at kung may mga armas o iba pang kagamitang pandigma na nakumpiska sa pinakahuling engkwentro. Patuloy pa rin ang operasyon upang matunton ang iba pang miyembro ng armadong grupo sa lugar.










