--Ads--

Nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan mula sa 50th Infantry Battalion sa ilalim ng operational control ng 503rd Infantry (Peace and Justice) Brigade ang mga natitirang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bulubunduking hangganan ng mga bayan ng Tineg at Lacub sa lalawigan ng Abra nitong Hulyo 19.

Ayon sa Philippine Army, bahagi ang engkwentro ng patuloy na operasyon laban sa mga nalalabing rebelde na umano’y humina na ang kakayahang magsagawa ng mga aktibidad sa rehiyon.

Sinabi ng militar na malaking epekto ang idinulot ng deklarasyon ng State of Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa mga lalawigan ng Apayao, Kalinga at Abra dahil nabawasan ang galaw ng mga natitirang miyembro ng CTG, kabilang ang kanilang kakayahang magrekrut, mangikil at magpalawak ng impluwensya sa mga komunidad.

Dagdag pa ng Army, nakatulong din ang tuluy-tuloy na security operations, mas pinaigting na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at suporta ng mga lokal na pamahalaan at mamamayan upang higit na malimitahan ang pagkilos ng mga natitirang rebelde sa lugar.

--Ads--

Patuloy naman ang isinasagawang security, pursuit at clearing operations ng mga sundalo sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga kalapit na komunidad.

Sa ngayon, patuloy pang sinusuri ng militar ang insidente at inaasahang maglalabas ng karagdagang impormasyon matapos ang beripikasyon ng mga detalye mula sa operating unit.