Kinansela ang ilang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Bohol, Masbate, Eastern Leyte at Samar nitong Biyernes, Hulyo 24, dahil sa mapanganib na kondisyon ng karagatan dulot ng Tropical Storm Kiyapo, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Kabilang sa mga kanseladong biyahe ang Super Shuttle Ferry 28 na bumibiyahe sa rutang Jagna–Balbagon at Sunriser 2 mula Getafe–Cordova sa Bohol; lahat ng fast craft ng Montenegro Shipping Lines mula Masbate Port patungong Pilar, Sorsogon; at MV SanRic Ferry 20 na bumibiyahe sa San Ricardo–Lipata sa Eastern Leyte at Samar.
Samantala, naglabas ang PAGASA ng yellow rainfall warning sa ilang lugar kabilang ang Abra, Kalinga, Ilocos Sur, Isabela, La Union, Benguet, Occidental Mindoro, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental at Palawan dahil sa inaasahang pag-ulan na aabot sa 50 hanggang 100 millimeters dulot ng bagyo.
Sinuspinde rin ng Coast Guard District Palawan ang lahat ng biyahe ng mga barko at motorboat sa mga bayan ng Rizal, Quezon at Balabac hanggang sa muling abiso.











