Suspendido ang klase sa ilang lalawigan at lungsod sa bansa sa Lunes, Agosto 10, bunsod ng patuloy na malalakas na pag-ulan na dulot ng southwest monsoon o habagat.
Kabilang sa mga nagdeklara ng suspensiyon ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan ang buong lalawigan ng Abra, Bulacan, Nueva Ecija, at ang lungsod ng Tuguegarao sa Cagayan.
Sa Cavite, suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga lungsod ng Bacoor at Imus. Sa Metro Manila, kanselado ang pasok sa lahat ng antas sa Marikina City.
Nagpatupad din ng suspensiyon ng klase ang mga bayan ng San Simon at Arayat sa Pampanga, habang suspendido rin ang klase sa Dagupan City sa Pangasinan.
Sa Ilocos Sur, walang pasok sa lahat ng antas sa mga bayan ng Santo Domingo at Tagudin. Kanselado rin ang klase sa San Mateo, Rizal.
Samantala, inanunsiyo ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila na ipatutupad ang online classes sa lahat ng antas sa Lunes bilang pag-iingat sa epekto ng masamang panahon.
Pinayuhan naman ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga abiso mula sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya para sa karagdagang anunsiyo kaugnay ng lagay ng panahon at mga suspensiyon ng klase.









