Wala umanong naitalang pinsala, nasawi, o mga residenteng inilikas sa Batanes sa pananalasa ng Tropical Storm Kiyapo, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Batanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRMO Officer Roldan Esdicul, sinabi niya na bagama’t nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo, nakararanas pa rin ang lalawigan ng light to moderate rains at thunderstorms dulot ng umiiral na habagat.
Sa ngayon ay kanselado pa rin ang mga biyahe ng Eroplano patungong Batanes, ngunit inaasahang magbabalik ang operasyon ng mga flight sa sandaling bumuti ang lagay ng panahon. Ang mga naitalang stranded ay pawang mga pasahero ng isang airline at wala namang nadagdag sa kanilang bilang.
Dagdag pa niya, nananatiling nakahanda ang lalawigan sa anumang posibleng epekto ng habagat. Naka-preposition na rin ang mga food packs sa bawat munisipyo bilang bahagi ng patuloy na paghahanda.











