Inirekomenda ng isang special na panel ng mga imbestigador sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, dating kongresista na si Zaldy Co, at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y P56 bilyong katiwalian mula 2022 hanggang 2025.
Naghain ang espesyal na panel ng Ombudsman ng 104-pahinang supplemental complaint-affidavit laban kina Romualdez, Co, at iba pang respondents na humihiling ng pagsasampa ng mga kasong plunder, graft, bribery, at money laundering.
Batay sa reklamo, nakalikom umano ang mga akusado ng tinatayang P56 bilyong ill-gotten wealth sa pamamagitan ng magkakaugnay na transaksyon na may kinalaman sa umano’y paglihis at maling paggamit ng pondo ng bayan at pagtanggap ng hindi nararapat na benepisyo mula sa mga transaksyon ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pinangalanan sa reklamo sina Romualdez, Co, aide ni Romualdez na si Jocelyn Sereño, at ilang hindi pa natutukoy na mga indibidwal na tinukoy bilang John at Jane Does.
Hiniling din ng panel na sampahan ng kasong money laundering sina Romualdez at abogado na si Jose Raulito Paras dahil sa umano’y pagtatago o paglilihim sa tunay na pinagmulan at galaw ng mga pondong pinaniniwalaang mula sa ilegal na aktibidad.
Kasama rin sa mga respondent si Hermogene Real, isang corporate secretary at direktor ng mga kumpanyang pag-aari umano ni Romualdez, gayundin ang law firm na D.S. Tantuico & Associates at ang Samchan Foreign Exchange Corp. sa pamamagitan ng mga direktor nito.
Bukod sa plunder, hiniling din ng mga imbestigador na sampahan si Romualdez ng kasong direct at indirect bribery, gayundin ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, sinabi ng kampo ni Romualdez na handa itong harapin ang anumang reklamong ihahain laban sa kanya. Ayon kay spokesperson Elaine Atienza, kumpiyansa ang dating House Speaker na mapatutunayan ng mga ebidensya ang kanyang panig.
Kaugnay nito, naghain din ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga kasong kriminal laban sa Sunwest Inc. at mga opisyal nito dahil sa umano’y P22.71 bilyong kakulangan sa buwis mula 2019 hanggang 2024.
Samantala, sinabi ni Bicol SARO Party-list Rep. Terry Ridon na hindi na itutuloy ng Kamara ang sariling imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects dahil sa umano’y conflict of interest, lalo na’t may ilang mambabatas na nadadawit sa isyu. Ayon kay Ridon, malaki na rin ang naging progreso ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa naturang mga alegasyon.











