--Ads--

Nananawagan sa publiko ang isang tricycle driver sa Cauayan City, Isabela na maibalik ang kanyang tricycle na tinangay ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Kabaruan.

Kinilala ang biktima na si Christopher Teves, na nagsabing pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kanyang pamilya ang naturang tricycle.

Batay sa kanyang salaysay, madaling araw ng Miyerkules, Oktubre 28, nang iparada niya ang tricycle sa gilid ng kalsada sa Paradise Street, Purok 8, Barangay Kabaruan, habang nakitulog sa boarding house ng kanyang kaibigan.

Ngunit laking gulat na lamang umano niya nang matuklasang nawawala na ang kanyang tricycle makalipas ang humigit-kumulang limang minuto.

--Ads--

Sa pagsusuri sa mga CCTV footage sa lugar, nakita ang isang lalaking nakatakip ang mukha na umano’y umaligid bago itinulak at tinangay ang naturang tricycle bandang alas-12:27 ng madaling araw.

Gayunman, nahihirapan pang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil sa takip sa mukha nito at madilim na bahagi ng kalsadang tinahak.

Ayon kay Teves, nasa kanya ang susi ng motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Pula ang naturang motorsiklo, may plakang 818 BSA at body number na 4573, habang ang sidecar nito ay tinatayang pitong buwan pa lamang niyang ginagamit.